PUNO'T BUNGA PUNO'T BUNGA | Page 8

SOLUSYON SA MGA SULIRANING NG AGRIKULTURA BY: ANDREA VASO

Ang Pilipinas ay isang tropikal na bansa. Sa kalungkutan ng nakararami, lalo na ng mga bata, ito ang dahilan kung bakit wala tayo ng apat na uri ng panahon na meron ang ibang bansa. Sa kabila nito, alam niyo ba na ito rin ang dahilan kung bakit madalas mataas ang temperatura dito, dahilan para maturing na mainam ang Pilipinas para sa paglinang agrikultura?

Dahil tayo’y nasanay na mapaligiran ng mga nagtataasang gusali at maiingay na sasakyan, mahirap isipin na pagkalampas mo rito ay mayroong mga probinsyang mayaman sa malawak na lupa at sariwang hangin. Dito sa mga lupaing ito nagaganap ang iba’t ibang proseso na nasa ilalim ng agrikultura.

Ito ang lugar kung saan nagtatanim ang mga magsasaka ng mga gulay at prutas na ibenebenta sa palengke at hinahanda sa ating hapag kainan. Dito rin nagpapalaki ng mga hayop na pinagmumulan ng gatas o nagiging masarap na ulam tuwing mayroong handaan. Dito rin nakukuha ang mga kahoy na ginagawang matibay na gamit sa bahay.

Ngayon, nais man natin o hindi, ay talaga nga namang nanganganib na ang agrikultura dito sa ating bansa. Dahil ito sa pagkakaingin, polusyon at patuloy na pag-import ng gobyerno ng mga produktong galing sa mga dayuhang bansa.

Nakakalbo na ang ating mga kagubatan. Ang iba pa nga sa mga kalupaang noo’y sagana sa puno ngayon ay may nakatirik nang bagong establishimyento. Dahil rin dito ay mahirap na maghanap ng mga puno para sa legal na pagtroso o pangangahoy. Ang polusyon, na nagpapalala ng climate change, ay nagiging dahilan rin ng sobrang init, dahilan para manuyo ang lupa at magkulang sa sustanstya at tubig na kailangan ng mga pananim para lumaki. Higit sa lahat, ang ating gobyerno ay patuloy pa rin sa pagtangkilik ng mga produktong pang-agrikultura na mula pa sa ibang bansa na para bang kulang ang supply na nagmumula sa ating mga kababayang magsasaka.

At dahil hindi lamang mga pananim ang nasasakupan ng agrikultura, nariyan rin ang problema sa paghahayupan at pangingisda. Ang mga hayop ay naaapektuhan din ng climate change. Sila’y kadalasang nawawala dahil sa paglipat ng tahanan o migration, at marami din sa kanila ang namamatay dahil hindi na kinaya ang sobrang pagbabago ng kanilang kapaligiran. Ang mga isda naman ay nabibiktima ng red tide, oil spills, pagtatapon ng basura sa karagatan at dynamite fishing, na kahit pinagbawal na ay may iilan pa rin na gumagawa.

Ang lahat ng suliranin ay may solusyon kaya naman siguradong may paraan para ating malutas ang mga problemang ito sa ating agrikultura. Ngunit, pano natin maisusulong ang pagbabago kung maraming ayaw nito o ayaw sumunod dito? Suportahan natin an gating agrikultura at magsimula ng pagbabago.

IMPORTED PA RIN BY: ANDREA VASO

Nitong nakaraang linggo lamang ay ibinalita ang lubos na pagbaba ng presyo ng sibuyas sa palengke. Sa gulat ng maraming tindera, sila ay napilitan na magbenta ng isang kilo nito sa halagang P10-P20. Malayo ito sa dating presyo ng sibuyas.

Ang pangyayaring ito ay bunga ng patuloy na pag-aangkat ng Pilipinas mula sa ibang bansa. Dahil nga mas maraming imported na sibuyas na meron para ibenta, mas tinatangkilik ito. Akalain ninyo iyon? Kahit sa mga produktong pang-agrikultura ay may malaking epekto ang colonial mentality. Napipilitan tuuloy ang mga magsasaka at negosyante nagbebenta ng local na produktong sibuyas na ibagsak ang kanilang presyo para lang sila makaakit ng mga mamimili. Kaawa-awa ang mga magsasakang araw-araw naghihirap sa bukirin ngunit di magawang mabawi ang puhunan dahil sa mahinang bentahan.

Ito ay dahil sa pag-iimport ng sibuyas. Mas tinatangkilik ng nakararami ang mga imported na sibuyas na ito kaya naman napilitan ang mga distributor at magsasaka na ibagsak ang presyo ng kanilang produkto. Dahit dito, hindi sila kumikita, di tulad ng kanilang inaasahan at hindi nila magawang mabawi ang kanilang pinamuhunan para sa pagtatanim.

Ang pangyayaring ito ay isang patunay lamang na patuloy na nabibikitima ang ating mga magsasaka ng importing at dapat agarang bigyan ang kanilang suliranin. Maaring sa iba ay di importante ang balitang ito ukol sa mga ating magsasaka. Ngunit, dapat nating isipin na kung wala ang mga magsasaka ay wala tayong maihahanda sa hapag-kainan at walang hilaw na materyales na gagamitin sa pagmanupaktura ng mga produkto.

Sa aking opinion, dapat ay bawasan ang bilang ng mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa para maengganyo ang mga mamamayan na suportahan ang lokal na mga produkto. Dapat rin ay linangin ng gobyerno ang larangan ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman sa kanila ukol sa makabagong paraan ng pagbubukid, pagbibigay ng subsidy at pag-aayos ng mga farm-to-market roads upang hindi masayang ang kanilang mga itinanim dahil sa pagkabulok.